Monday, August 27, 2012

Kaibigan Ka lang Naman

     Bakit ka masasaktan, wala ka namang karapatan. Kaibigan ka lang naman di ba? Bakit ka magdedemand? May commitment ba kayo? Kaibigan ka lang naman di ba? Bakit ka magagalit dahil hindi sinagot ang tawag at texts mo, ano ka ba niya? Kaibigan ka lang naman di ba? Bakit ka umaasa, alam mo namang wala kang pag-asa, dahil nga kaibigan ka lang naman di ba? Bakit ka nag-aantay, wala naman siyang pakialam kung matagal ka nang nakatayo. Kaibigan ka lang naman di ba?
      Maraming mga kwento ang nagsisimula sa pagkakaibigan, at marami din namang hanggang kaibigan lang, may mga kwentong nagsimula sa ligawan pero nauwi sa pagkakaibigan na lang, at meron namang mga kwento na masaklap ang katapusan, dahil hindi man lang nagkaroon ng kahit na pagkakaibigan lang.
     Mga kwentong sa pagkakaibigan nagsimula at nagtapos sa pagmamahalan, ang iba nga hanggang kasalan. May mga iyakan at tawanang naganap at nagaganap. Ito ang kwento na gusto ng lahat, ang may happy ending kumbaga. Ito ang kwento ang palaging inaabangan ng lahat, lalo na sa teleserye at sa pocketbook man. Ang kwento kung saan ang leading man ay madedevelop sa leading lady o vice versa. Ang kwento na laging ina-assume na sila na ang magkakatuluyan. Dahil na itatak na sa mga utak natin na ang lahat ay naguumpisa sa pagiging magkaibigan. Katulad na lang halimbawa na, may kaklase kang lalaki at pinakilala mo siya sa pamilya mo bilang kaibigan, tatanungin ng isa sa kanila na, "oh, nanliligaw ka ba sa kanya?" O di kaya "Girlfriend mo na ba ang anak ko?" o ang iba naman ay "sino ka at bakit magkasama kayo?" Kung pasusubalian niyo ito na, "hindi po ako nanliligaw at hindi ko siya girlfriend, wala kaming relasyon MAGKAIBIGAN LANG PO KAMI" sasabihin naman sa iyo na "SA PAGIGING MAGKAIBIGAN NAGSISIMULA ANG LAHAT". (Kita niyo na, hindi naman ito iba pa, ito na talaga ang sa simula pa lang ay tapos na).
     Marami sa atin ay nagsasabi na hanggang kaibigan lang ang kaya niyang ibigay pero hindi rin maikakaila na minsan ay nagkagusto ka rin sa iyong kaibigan ngunit hindi mo lang gusto na masira ang pagkakaibigan niyo dahil sa iyong nararamdaman.  At minsan hindi mo man aminin ay nasasaktan at nagseselos ka rin. Lalo na pag sinabi sa iyo na "salamat dahil naging KAIBIGAN kita" nasa kaibigan lang talaga ang iyong kategorya.
     Mahirap mahalin ang isang kaibigan, lalo na kung ika'y "solo flight" hindi man natin aminin, ito ay katotohanan na hindi natin pwedeng itago at kalimutan, nararanasan at mararanasan. Kung pwede nga lang pigilan, pero kahit minsan mas gumagana ang puso kaysa sa utak natin, at sa huli sisisihin ni utak si puso kung bakit ito nauto. Kaibigan ka lang naman, wala kang karapatan.
    
     


No comments:

Post a Comment