Today, I just want to talk in my own national language--Filipino.
"Mahirap magalit ang mababait."
Ito ang aking post sa aking "what's on your mind" sa social network na Facebook o ang tinatawag natin na FB. Nabasa ko ito minsan, at ito ay naaayon sa mga taong katulad ko o katulad mo na mabait, at minsan lang kung magalit.
Ako ang tao na hindi parating nagagalit, na kung pwede lang naman pagpasensyahan ay gagawin ko, kung pwede lang namang pag-usapan ay mas gusto ko iyon. Hindi ako ang tipo na nagkikimkim ng galit (dahil bawal ito, dahil sa aking kondisyon sa puso), at hindi din ako iyong tipo na makakatulog na alam kong may galit sa akin o kung may kinagagalitan ako, hindi kasi ako sanay sa ganoon. Gusto ko, kung may taong galit sa akin sabihin niya sa harap ko at hihingi ako ng tawad sa nagawa ko kung nakasakit man ako na hindi ko namamalayan, at kapag ako ang nagalit, kahit na minsan lang parang bulkan, isahan ang bagsak! Pero matapos kong magalit ay wala na sa akin iyon, hindi ako mahilig mag grudge, pero alam ko sa sarili ko na hindi ako iyong tipong makakalimutin. Mapapatawad kita sa mga nagawa mong kasalanan pero hindi ko madaling kalimutan ang mga nangyari.
Kanina, nagalit ako sa aking mga estudyante, dahil marami ang hindi nakapasa sa prelim exam nila. At sa oras na nagre-recheck kami ng kanilang mga sagot, hindi pa sila nakikinig at napakaingay ng silid aralan. Hindi ko na makayanan ang aking pagpapahaba ng pasensya, naubos na talaga, simula ng magturo ako noon Hunyo, alam ko na madaling panahon lang ang itinagal ng pasensya ko, pero alam ko na nasa tamang panahon na para ako ay magalit at magsalita sa klase nila na hindi ko na makayanan ang kanilang mga pinapakitang kabastusan at walang respeto.
Alam ko na hindi ako dapat magalit dahil ako lang din naman ang lalabas na talo, pero minsan kailangan mo ring ilabas ang isang bahagi ng iyong pagkatao na minsan lang makita ng iba para malaman din nila na hindi sa lahat ng panahon ay okay lang, dahil ang mga taong mababait ang mga taong palaging inaabuso. Hindi na ako ang taong tumatahimik na lang sa isang sulok ngayon, ako ay isang tao na, na sinasabi na kung ano ang iniisip at nararamdaman ko (puwera lamang sa damdaming pag-ibig dahil hanggang ngayon ako ay isang duwag pa rin).
Salamat na lamang at meron pa akong palabasan ng aking tunay na nararamdaman, hindi man ako magaling na manunulat, pero ginagawa ko naman ang lahat ayon sa aking kaalaman na maipabatid kung sa kanino mang mambabasa ang aking saloobin.
No comments:
Post a Comment